Isang pindot lang abot-kamay na ng sinuman ang ilan sa mga pinakakontrobersyal at pinakaimportanteng mga dokumento sa mundo. Isang pindot lang at maaaring bumulusok pababa ang ilan sa mga makapangyarihang tao sa mundo na gumagawa ng masama. Isang pindot lang at wham! nasa harap na natin ang katotohanan o kasinungalingang hinabi ng sinumang nagtangkang gamitin ang wikileaks upang isiwalat ang kanilang nalalaman.
Classified. Uncensored. Significant.
Ito ang naintindihan ko sa mga dokumentong pilit kong binubuksan sa website ng WikiLeaks. Habang nanonood pa lang ng dokyumentaryo ang klase, labis na akong naintriga sa WikiLeaks. Hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko kung totoo ngang uncensored at classified ang mga dokumentong nakapaloob sa website na ito. Kaya't nauna ko talagang binuksan ang website upang malaman kung ano nga ba ito.
Nakakagulat lang kung anong mga klaseng classified information ang matatagpuan sa site. Sa loob ng ilang minuto ko ding pagbrowse (hindi ko man masyadong maintindihan ang kaakibat nitong kahalagan para sa buhay ko o sa bansa ko) napagtanto kong napakadelikado nga ng site na ito para sa gobyerno at sa iba pang malalaking korporasyon sa mayayaman at makapangyarihang bansa sa mundo. Hindi kataka-takang maraming nasa kapangyarihan ang gustong magpabagsak dito.
Ngayon ko lang lubos na napagtanto na totoong makapangyarihan ang internet. Kaya nitong magpabagsak ng bansa, kaya nitong magsiwalat ng kabulukan, kaya nitong magsimula ng pagbabago at kaya nitong protektahan ang mga taong nais gumawa ng mabuti. Naisip ko lang na sa bawat araw ay mas lalong nababawasan ang limitasyon ng pwede nating gawin dahil sa teknolohiyang meron tayo ngayon.
Bilang isang alagad ng midya, alam ko kung gaano kahalaga ang magkaroon ng isang uncensored source, ang makascoop ng isang classified information kaya nga sobrang naintriga talaga ako sa wikileaks at maaaring isang araw ay magkaroon din ng ganito sa bansa natin. At marahil magkakaroon din tayo ng mas transparent na gobyerno at lipunan.
No comments:
Post a Comment